Monday, October 29, 2007

Todos los santos


Hindi natin ‘to ginagawa, hindi talaga tayo nag-uusap. Kung may pagkakataon man, yun e kung sisigawan mo ko o worst, hahambalusin na lamang ng palo. Ganito mo ko kamahal di ba? Katumbas ng bawat pagtutuwid ng mali o yung disiplina mong tinatawag ay ang bawat latigong lalatay sa balat ko.  Alam mo, hindi ako takot sa palo. Manhid na ang balat ko noon, wala akong trauma sa walis tambo o dos por dos. Ang kinakatakutan ko noon ay kung anong lakas ang nakukuha mo sa twing mananakit ka. Pakiramdam ko, sa bawat hagupit o bugbog, nakakakuha ka ng lakas, mas lalo kang bumabagsik. Mas nagiging matikas ka na dapat pangilagan. Pero lahat may katapusan. Dumating ang panahon ko, oras na makalalaban ako. Hinintay ko ang pagkakataong makapagsarili, makapagtrabaho at hindi umasa sa’yo.




Alam mo ba na kung inakala mong naging mabuti kang magulang, ay nagkamali ka. Kung itinutuwid ng mga rason mo ang pananakit sa akin, patuloy nitong itinatakwil ang loob ko sa’yo. Naging malalim siguro ang sugat pero huli na, hindi ko maramdaman at hindi ko pa rin maintindihan kung bakit mo ako binubugbog.




Kung tutuusin, panalo ka. Noon hindi ako makalaban sa’yo, bata pa ko noon. Ngayon, nauna ka na. Gusto sana kitang sumbatan, gusto ko sanang makipagsuntukan, ngayon mo ipakita ang yabang mo. Ngayon mo ko bugbugin, pero hindi mo hinayaang mangyari yun. Kahit murahin kita o sipain ang puntod mo, wala ng magagawa ang mga iyon.



Nagpapahinga ka sa mahabang panahon mong naging magulang sa akin.



Sayang. Ang dami mong sinayang. Alam mo kung tutuusin, mabuti pa nga akong anak. Pinagtirik pa kita ng kandila. Dinalaw pa rin kita. Hindi man kita mabalikan, hindi man kita masaktan, gusto kong ipaalam sa’yo na napakarami mong sinayang na pagkakataon. Sana nakipagkuwentuhan ka sa’kin. Ikaw ang lumimot, ikaw ang naglayo sa’tin. Minsan, habang pilit kong inaalala ang pagiging magulang mo, wala akong matandaan. Hindi ko matandaan na hinagod mo ang likod ko, o sinuklay ang buhok o minasahe para mapaidlip. Wala akong matandaang kwento na binigkas mo pampatulog. Walang bakasyon tayong pinagsamahan. Hindi mo ko pinayuhan kung paano maging mabuting bata.


Pero alam mo, may natutunan ako sa’yo. Hinanda mo ko. Tinuruan mo kong kung paano maging isang mabuting ama. Hindi ko inakalang isisilang ang isang ama sa akin sa kabila ng pagkasuklam ko sa inyo. Kung meron akong dapat tanawin at pahalagahan, walang iba kundi binuhay mo ko. At dahil doon, magiging isang mabuti ama ako. Dahil ngayon, alam ko na ang tamang pagpapalaki sa anak. Alam kong hindi kita dapat tularan. Hindi mo na makikilala ang apo mo. Mabuti na rin iyon. “wag kang mag-alala, walang kinalaman dito ang anak ko sa samaan natin ng  loob. Mabubuting bagay ang sasabihin ko sa kanya tungkol sa inyo. Sasabihin kong pinalaki mo kaming marunong tumingin ng tama. Marunong humusga at magtiis. Higit sa lahat, umasa na darating ang araw na matatapos ang sakit basta kumapit lang kami sa aming mga pangarap. Natupad na ang pangarap ko. Ang makalaya. Hindi lang sa pananakit ninyo kundi ang makalaya sa lahat ng sakit na naitanim ninyo. Sa lahat ng ‘yon, pinapatawad ko na kayo at nawa’y maging mapayapa ang mahaba pa ninyong buhay sa kabila. Habang gagampanan ko ang pagiging isang mabuting ama kay Thirdy.   

3 comments:

  1. nakakalungkot naman. talaga bang ganun? hindi kita masisisi... may mga ganun talaga - pero sana isipin mo rin na ang "karamihan" sa kanila ay nananakit para mas maging maayos ang kinabukasan ng mga sinasaktan nila. sana isipin mo rin ang positive side. ako din ganyan pero alam ko at nararamdaman kong mahal niya ako... kaya mahal na mahal ko rin siya although nasa kabilang buhay na rin siya.

    tnx nga po pala sa pagbisita at pagkomento sa blog ko. inadd po kita sa blogroll ko and sana i-add mo din po ako. salamat po.

    ReplyDelete
  2. napadaan po. la pa pala updates. balik na lang.

    ReplyDelete
  3. ei there. pasensya na kung busy ka ha! pero TINAG po kita... http://akosifau.wordpress.com

    ReplyDelete