Monday, April 2, 2007

morning dew

tuwing umaga iniisip ko na sana makasakay ulit kita. halos dalawang taon na nga tayong seatmate sa van but still hanggang ngitian, tango at pag oofer ng upuan lang ang alam nating gawin. siyempre alam na alam ko kung saan ka bababa. mas pinipili pa nga natin na driver seat tayo di ba? at kung sakali na nakaupo ka na near the driver at ako ang timing na uupo sa tabi mo, bababa ka pa dahil alam mong una ka naman talagang bababa kesa sa akin. ganito ang dynamics natin sa halos araw-araw na nagkakasakay tayo. pero sa loob ng 2 taon, ni hindi mo naitanong ang pangalan ko at ni hindi mo rin nabanggit ang sa iyo. pero okay lang na masandal ka sa balikat ko at ako rin sa iyo. panatag na tayo sa isa't-isa at sadyang nagkakaunawaan na sakaling masandig o maidlip sa balikat. mukha ka namang mabait at di mo naman halata na minsan, naglalaro sa isip kong kasuyo kita. habang kumakanta ako sa isip ko ng passenger seat.

 nang lumipat ako ng trabaho, hindi na tayo nagkita. iba na kasi ang byahe ko. hindi ko naisip na kasama sa paglipat ng trabaho  ang syang pagliko ng pagkakataong magkakasama pa tayo.

hanggang sa minsang muli akong mapasakay sa van upang tumungo sa isang imbitasyon na kung saan ay ako ang panauhing pandangal. naisip ko lang na sana makasabay ulit kita para inspired ako sa talk na gagawin ko.

wala ka sa van. tanging alaala lang at pag-asang sana ay magkasakay tayo ngayon. gumuguhit sa imahinasyon ko ang mga pagkakataong napapadikit ako sa iyo ng hindi sinasadya, at pagkakaidlip mo sa balikat ko at ang minsang makita tayo ng driver na malayo pa lang at nagsabing reserve na ang upuang iyon para sa ating dalawa.

Ito tayo, seatmate. hanggang duon lang.

binagtas ko ang daan patungo sa opisinang iyon. handa na sila para makinig sa akin. subalit naantala ng sabihin ng nag-imbita sa atin na hindi maaaring gamitin ang venue na iyon dahil may nauna palang nagpareserve. kaya naman kailangang kausapin ang property custodian, sinamahan ko ang kaibigan ko at gayun na lamang ang pagkatulala  ng makita kita.

ipinakilala nya ako sa iyo. matamis na ngiti ang ibinato mo at sinabi mong matagal na kaming magkakilala.

ang pinagkaiba lang ngayon alam mo na ang pangalan ko at alam ko na rin ang pangalan mo. kumusta na lang sa mga anak mo at alam kong lalaki silang mabubuti, pihadong gagabayan sila pagkat dala mo pa rin ang aral ng Diyos na natutunan mo sa seminaryo.