Monday, October 29, 2007

Todos los santos


Hindi natin ‘to ginagawa, hindi talaga tayo nag-uusap. Kung may pagkakataon man, yun e kung sisigawan mo ko o worst, hahambalusin na lamang ng palo. Ganito mo ko kamahal di ba? Katumbas ng bawat pagtutuwid ng mali o yung disiplina mong tinatawag ay ang bawat latigong lalatay sa balat ko.  Alam mo, hindi ako takot sa palo. Manhid na ang balat ko noon, wala akong trauma sa walis tambo o dos por dos. Ang kinakatakutan ko noon ay kung anong lakas ang nakukuha mo sa twing mananakit ka. Pakiramdam ko, sa bawat hagupit o bugbog, nakakakuha ka ng lakas, mas lalo kang bumabagsik. Mas nagiging matikas ka na dapat pangilagan. Pero lahat may katapusan. Dumating ang panahon ko, oras na makalalaban ako. Hinintay ko ang pagkakataong makapagsarili, makapagtrabaho at hindi umasa sa’yo.




Alam mo ba na kung inakala mong naging mabuti kang magulang, ay nagkamali ka. Kung itinutuwid ng mga rason mo ang pananakit sa akin, patuloy nitong itinatakwil ang loob ko sa’yo. Naging malalim siguro ang sugat pero huli na, hindi ko maramdaman at hindi ko pa rin maintindihan kung bakit mo ako binubugbog.




Kung tutuusin, panalo ka. Noon hindi ako makalaban sa’yo, bata pa ko noon. Ngayon, nauna ka na. Gusto sana kitang sumbatan, gusto ko sanang makipagsuntukan, ngayon mo ipakita ang yabang mo. Ngayon mo ko bugbugin, pero hindi mo hinayaang mangyari yun. Kahit murahin kita o sipain ang puntod mo, wala ng magagawa ang mga iyon.



Nagpapahinga ka sa mahabang panahon mong naging magulang sa akin.



Sayang. Ang dami mong sinayang. Alam mo kung tutuusin, mabuti pa nga akong anak. Pinagtirik pa kita ng kandila. Dinalaw pa rin kita. Hindi man kita mabalikan, hindi man kita masaktan, gusto kong ipaalam sa’yo na napakarami mong sinayang na pagkakataon. Sana nakipagkuwentuhan ka sa’kin. Ikaw ang lumimot, ikaw ang naglayo sa’tin. Minsan, habang pilit kong inaalala ang pagiging magulang mo, wala akong matandaan. Hindi ko matandaan na hinagod mo ang likod ko, o sinuklay ang buhok o minasahe para mapaidlip. Wala akong matandaang kwento na binigkas mo pampatulog. Walang bakasyon tayong pinagsamahan. Hindi mo ko pinayuhan kung paano maging mabuting bata.


Pero alam mo, may natutunan ako sa’yo. Hinanda mo ko. Tinuruan mo kong kung paano maging isang mabuting ama. Hindi ko inakalang isisilang ang isang ama sa akin sa kabila ng pagkasuklam ko sa inyo. Kung meron akong dapat tanawin at pahalagahan, walang iba kundi binuhay mo ko. At dahil doon, magiging isang mabuti ama ako. Dahil ngayon, alam ko na ang tamang pagpapalaki sa anak. Alam kong hindi kita dapat tularan. Hindi mo na makikilala ang apo mo. Mabuti na rin iyon. “wag kang mag-alala, walang kinalaman dito ang anak ko sa samaan natin ng  loob. Mabubuting bagay ang sasabihin ko sa kanya tungkol sa inyo. Sasabihin kong pinalaki mo kaming marunong tumingin ng tama. Marunong humusga at magtiis. Higit sa lahat, umasa na darating ang araw na matatapos ang sakit basta kumapit lang kami sa aming mga pangarap. Natupad na ang pangarap ko. Ang makalaya. Hindi lang sa pananakit ninyo kundi ang makalaya sa lahat ng sakit na naitanim ninyo. Sa lahat ng ‘yon, pinapatawad ko na kayo at nawa’y maging mapayapa ang mahaba pa ninyong buhay sa kabila. Habang gagampanan ko ang pagiging isang mabuting ama kay Thirdy.   

Tuesday, October 9, 2007

Text mo Bulok.

i love you.

Isang iresponsableng text.  Natanggap ko ang isang pacute na text na'to at hindi ako natuwa. Alam kong trap na naman 'to, alam kong pangboost ng moral n'ya pag pumatol ako. been there, minsan hindi ko naman nilalahat, pero may mga tao talagang isasabit ka pa sa mga hang-ups nila. Hanap-damay sabi nga.  Apektado ako dahil ang totoo, mahal ko siya. Badtrip ako kasi alam kong hindi niya ko mahal. endearment daw. pasweet. Pero ngayon niya lang sinabi 'to sa kin, ngayon nya lang ako tinext ng ganito since magkakilala kami. Ngayon lang, ngayon lang na may hint na siya na may feelings ako sa kanya.  Stupid you, and stupid me.

At kung anu-anong mga quotes sa umaga, quotes sa tanghali at quotes sa gabi.

Karma ata 'to, sa pagmamalupit ko at pang-iinis sa mga taong too much involved, eto ako ngayon, involved na naman. Parang virus. OMG. Magigising ka isang umaga, in love! Ang masaklap, hindi pa natatapos ang araw, alam mo ng walang patutunguhan ang feelings na ito. One-way love affair kung affair ngang matatawag yun.

Nagwish ako na sana magsettle down na ako sa isang serious relationship. Yun bang, tama na muna nag mga casual sex and one night stand. Yun bang, serious na muna. Pwede naman e. Kaso eto nga, darating sa hindi inaasahang oras... maiinlove ka sa isang taong never mong inisip o pinangarap. Maiinvolve ka sa isang taong wala ni katiting na pag-asa. At ang masaklap, talo ka kasi alam niya na involved ka at lalo kang talo dahil alam mong bata siya, walang pakialam sa feelings ng iba at walang inisip kundi ang ego niya.

Goodbye friendship muna. Yup, I'd rather sacrifice this friendship, 'wag na lang. Ayoko munang sumakit ang ulo ko. Hangga't pwedeng umiwas, goodbye muna.

Text mo na lang ako sa susunod 'pag may matino ka ng sasabihin. Hindi I love you, hindi I miss you at hindi forwarded na pag-iisipin mo pa ako at bibigyan ng malisya. Kahit kumusta ka? Okay na yun.

Thursday, October 4, 2007

desperate housewives thing

mahaba-habang discussion na naman 'to.

Ang totoo hindi ko kilala si Teri Hatcher, nabalitaan ko lang kanina sa office at katulad ng hinala ko, instant blog topic na naman siya.

Maaaring may magagalit pero sasabihin ko lang ang personal kong nararamdaman sa komentong binitiwan niya.

Sa akin, totoong maraming masasaktang mga Filipino, lalo na ang mga OFW's natin na medical-related ang work, totoong may pagkairesponsable ang nagsulat ng kwento. Pero gayunman, hindi ako nababahala at hindi ako naapektuhan.

Iniisip kong ito ay isang literature. Hindi natin masasala, hindi natin mapipigilan ang mga manunulat gaya natin. Totoong may kanya-kanyang biases sila. Alam naman natin ang potential natin, alam natin na magaling tayo, masikap kahit kapos ang ating educational institution sa mga gamit. Kaugnay nito, alam din natin minsang  naiskandalo ang Nursing Board Exam na maaaring pinanggalingan ng ideya mula sa manunulat. Natawa ako sa isang comment mula sa isang blog tungkol dito, sabi niya, bakla daw ang nagsulat. Parang dun pa lang, parang may himig discrimination ata.

I dont think makakaapekto masyado sa mga manonood ang ganoong comment. Sa mga pelikula natin o programa sa tv, hindi ba't hindi rin nakaliligtas ang mga dayuhan. Ang mga Indian halimbawa, ang mga Chinese o Tsinoy, ang mga Hapon, mga Koreano  kahit naman mga Amerikano minamaliit natin. Nagkataon lang na Filipino ang wika at hindi naiintindihan maipalabas man sa labas ng bansa o mapanood ng dayuhan.

Hindi naman natin mahihingi ang respeto o pananalig mula sa kanila gaya ng respeto natin para sa kanila.

Hamon ito para sa atin na lalo pang pagbutihin ang ating mga trabaho, pagalingin ang ating mga institusyon at ayusin ang hindi magandang imahen ng bansa sa pamamagitan ng paggawa ng tama.

Baka naman masyado na tayong nagiging sensitibo at hindi na natin naihihiwalay ang sarili natin sa binabasa at napapanood natin.

Gaya naman ng pagsusulat, hindi ba mayroon rin namang mga taong nagrereact taliwas sa sinusulat mo.  May mga programa sa TV na hindi mo gusto ang linya. Para sa akin maliit na bagay ito para bigyang pokus at pasakitin ang ating loob. Opinyon lang. Ika nga, trabaho lang.